MANILA, Philippines — Bilang isang mabuting kaibigan, may payo si dating world champion Erik Morales kay eight-division world champion Manny Pacquiao para sa kanyang mga susunod na laban.
Aminado si Morales na may bagsik pa rin ang kamao ni Pacquiao na kitang-kita sa kanyang huling dalawang laban kontra kina Adrien Broner at Keith Thurman noong nakaraang taon.
Subalit para kay Morales, kailangang maging matalino si Pacquiao sa pagpili nito ng makakalaban lalo pa’t nasa edad 41-anyos na ito at nakatakdang magdiwang ng ika-42 kaarawan sa Disyembre.
Ayon kay Morales, mas maigi na iwasan nito ang mga batang boksingero na nasa peak ng kanilang boxing career gaya ni Errol Spence na nagmamay-ari ng World Boxing Council (WBC) at International Boxing Federation (IBF) welterweight titles.
“I don’t think it’s a good fight for Manny Pacquiao to face Errol Spence Jr., he’s over ten years younger. Pacquiao is already 42, he needs to pick opponents similar to him now,” ani Morales sa panayam ng Fino Boxing.
Ang welterweight division ang pinaka-kumportableng dibisyon ni Spence at ito ang weight class kung saan ito pinakamalakas.
Isa lamang si Spence sa mga kandidatong makalaban ni Pacquiao sa kanyang pagbabalik-aksyon sa susunod na taon.
Kasama rin sa listahan si Terence Crawford na sariwa pa sa matagumpay na fourth-round knockout win kay Kell Brooks ng Great Britain.