Bagong kalaban, bagong game plan para kay Donaire

MANILA, Philippines — Napalitan ang kalaban ni dating world champion Nonito “The Filipino Flash” Donaire sa Disyembre na idaraos sa Mohegan Sun Arena sa Uncasville, Connecticut.

Makakasagupa na nito si Emmanuel Rodriguez ng Puerto Rico para sa bakanteng World Boxing Council (WBC) bantamweight title sa Disyembre 19.

Orihinal sanang kalaban ni Donaire si Nordine Oubaali ng France sa Disyembre 12 sa parehong venue.

Subalit nakansela ito matapos magkaroon ng coronavirus disease (COVID-19) si Oubaali dahilan upang hindi ito makapag-ensayo para sa laban.

Kaya naman nagdesisyon ang WBC na paglabanin sina Donaire at Rodriguez kung saan ang mananalo sa bakbakan ang haharap kay Oubaali.

Dahil sa kaganapan, bagong game plan na ang ikinakasa ni Donaire kontra kay Rodriguez.

“We are preparing a new game plan because these two boxers (Rodriguez and Oubaali) are totally different,” ani Donaire.

Bata pa si Rodriguez ng 10 taon kay Donaire.

Subalit walang puwang ang pagiging kampante sa Pinoy champion dahil alam nito ang kakayahan ni Rodriguez.

Sa katunayan, nakita na nito ng personal ang ilang laban ni Rodriguez dahil nasilayan din ito sa World Boxing Super Series noong nakaraang taon.

Galing ito sa second-round knockout loss kay World Boxing Association (WBA) at International Boxing Fe-deration (IBF) bantamweight champion Naoya Inoue sa semifinals ng Super Series na siyang naging daan ng Japanese fighter para makaharap si Donaire sa finals.

Kasalukuyang nasa puspusang paghahanda si Donaire sa Givans Taek­wondo Academy sa Las Vegas, Nevada.

Ilang sparring sessions na ang pinagdaanan nito kasama ang ibang bo­xers na nagsasanay din sa academy.

Show comments