FIBA Asia Cup Qualifiers
MANILA, Philippines — Muling iginiit ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na handa itong tumayong host sa third window ng FIBA Asia Cup Qualifiers na idaraos sa Pebrero sa susunod na taon.
Ayon kay SBP president Al Panlilio, may kakayahan ang Pilipinas na maging punong-abala sa qualifiers tulad ng magiging papel ng Manama, Bahrain sa second window.
May pasilidad ang Pilipinas na maaaring gamitin sa isang bubble setup na requirement ng FIBA para sa hosting ng qualifiers.
Isa na rito ang kasalukuyang ginagamit ng PBA sa pagpapatuloy ng Season 45 Philippine Cup sa Clark, Pampanga.
Nakatira ang lahat ng players, coaches at officials sa Quest Hotel na official residence habang nasa loob ng bubble.
Maliban sa pasilidad, may kakayahan din ang Pilipinas sa pagsasagawa ng swab testing upang matiyak na ligtas ang lahat sa coronavirus disease (COVID-19).
“We are willing to host (the third window of the FIBA Asia Cup Qualifiers),” wika ni Panlilio.
Matagal-tagal pa ang Pebrero kaya’t mahabang panahon pa ang maaaaring gugulin para paghandaan ito sakaling aprubahan ito ng FIBA.
Idaraos ang third window ng qualifiers sa Pebrero 18 hanggang 21 kung saan maghaharap harap ang Group A teams na Pilipinas, South Korea, Thailand at Indonesia.
Makakasagupa ng Pilipinas ang Indonesia sa Pebrero 18 at South Korea sa Pebrero 21.