Ayo naka-move on na!

Aldin Ayo
STAR/File

Walang sama ng loob sa UST players

MANILA, Philippines — Masaya na si dating University of Santo Tomas coach Aldin Ayo sa kanyang bagong buhay bilang head coach ng 3x3 basketball team na sasabak sa FIBA World Tour Doha Masters sa Qatar.

At nilinaw na wala itong hinanakit sa mga da­ting players nito sa Grow­ling Tigers partikular na sa mga lumipat ng iba’t ibang unibersidad.

Nananatili ang pagmamahal ni Ayo sa mga pla­yers na itinuturing na nitong anak matapos ang ilang taong pagsasama sa UST.

Kaya naman nanawagan itong tigilan na ang pam­ba-bash sa mga pla­yers. Masaya ito sa kanilang naging desisyon at umaasa na magi­ging matagumpay sila sa kanilang bagong tahanan.

“May mga nagsasabi na ‘yung mga players, may mga decision na hindi maganda, but we have to understand the players, gumagawa rin sila ng sacrifice,” ani Ayo.

Magugunitang nagla­yasan ang mga key pla­yers ng Growling Tigers matapos pumutok ang Sorsogon bubble na pinamunuan ni Ayo sa Bicol.

Bukod sa pagkawasak ng UST squad, pinatawan pa ng indefinite suspension si Ayo ng UAAP Board of Trustees base sa rekomendasyon ng Board of Managing Directors.

Masakit para kay Ayo na makitang unti-unting nabuwag ang pinaghirapan nitong koponan na mula sa pagiging underdog ay nagawa nitong makapasok sa finals noong Season 82.

Tapos na ang yugtong ito sa buhay ni Ayo.

Nais nitong iwanan ang hindi magagandang nangyari at matuto sa mga naging pagkakamali.

Ika nga nila, move on na.

Nakaabang ang lahat sa magiging sagot ng UAAP sa apela ni Ayo para irekonsidera ang indefinite suspension na ipinataw dito.

Show comments