TNT vs Phoenix sa semis

Humanap ng butas si Alaska big man Abu Tratter laban sa depensa ni Troy Rosario ng TNT Tropang Giga.
PBA Image

MANILA, Philippines — Hindi na nagamit ng No. 3 TNT Tropang Giga ang kanilang bitbit na ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinal round.

Nakawala ang Tropang Giga sa third period patungo sa 104-83 pagsibak sa Alaska Aces papasok sa semifinal round ng 2020 PBA Philippine Cup kahapon sa Angeles Univesity Foundation Gym sa Angeles, Pampanga.

Humugot si RR Pogoy ng 16 sa kanyang 34 points sa nasabing yugto para ihatid ang TNT Tropang Giga sa best-of-five semifinals series.

“Focus lang talaga sa game kasi iyon naman talaga ang importante,” sabi ni Pogoy. “Blessing din ito ni Lord.”

Nagtabla sa halftime, 51-51, pinamunuan ni Pogoy ang ratsada ng Tropang Giga sa third quarter para sa isang 14-2 atake na nagbigay sa kanila ng 65-53 abante bago ibinaon ang Aces sa 101-75 sa 3:12 minuto ng final canto.

Nauna nang nagtala ang Alaska ng 11-point lead, 47-36 sa second period bago nalimitahan ng depensa ng TNT Tropang Giga sa third canto sa 15 points kumpara sa kanilang 33 points.

Samantala, hindi matatawaran ang puso ni Matthew Wright.

Isinalpak ni Wright ang isang running three-point shot sa huling 9.8 segundo ng final canto para akayin ang No. 2 Phoenix sa 89-88 paglusot sa No. 7  Magnolia sa kanilang quarterfinals duel sa 2020 PBA sa hu­ling laro.

Kumolekta si Wright ng 26 points, 9 assists at 5 rebounds para banderahan ang Fuel Masters sa best-of-five semifinals series laban sa TNT Tropang Giga.

“It took everything out of us to win that game,” sabi ni Wright.

Ito ang pang-limang sunod na panalo ng Phoenix at tinapos ang six-game winning streak ng Magnolia.

Magsisimula ang semifinals showdown ng Fuel Masters at Tropang Giga sa Miyekules.

Show comments