Ika-20 ginto nasikwat ni De Los Santos

De Los Santos
WKF photo

MANILA, Philippines — Patuloy ang pananalasa si Orencio James De Los Santos nang muli itong humatak ng gintong medalya sa prestihiyosong Okinawa E-Tournament World Series.

Pinatunayan ni De Los Santos na siya ang numero unong kata player sa buong mundo nang payukuin nito si Alfredo Bustamante ng Amerika sa championship round ng men’s seniors individual kata.

Ang panalo ang nagdala kay De Los Santos sa ika-20 gintong medalya sa online tournament para lubos na mapatatag ang kapit sa No. 1 spot sa world ranking.

Muling dumanas ng matinding pagsubok si De Los Santos na hinarap ang matinding buhos ng ulan at malalakas na hanging dala ng Bagyong Ulysses para makahanap ng signal at maisumite ang kanyang winning performance sa finals.

Nakapasok sa finals si De Los Santos nang pataubin nito si world No. 5 Nejc Sternisa ng Slovenia sa semis.

Umusad naman ng puwesto sa semis ang Pinoy karateka matapos manguna sa eight-man elimination round sa pamamagitan ng 24.14 puntos na nakuha nito.

Hindi pa tapos si De Los Santos dahil naka-entra pa ito sa Golden League Karate eTournament.

Sasagupain ni De Los Santos sa semis ang mananalo sa pagitan nina world No. 4 Domont Matias Moreno ng Switzerland at Ariel Fernandez ng Panama.

Show comments