Ravena nagpasiklab sa Japan B.League debut
MANILA, Philippines — Kaliwa’t kanan ang papuring natanggap ni three-time UAAP Finals MVP Thirdy Ravena sa kanyang debut kasama ang San-En NeoPhoenix sa 2020-2021 Japan B.League.
Nasandalan ng NeoPhoenix ang Pinoy cager sa huling sandali ng laro upang itakas ang dikitang 83-82 panalo laban sa Shimane sa Yonago Industrial Gymnasium.
Nakalikom si Ravena ng 13 puntos tampok ang walo sa huling kanto para tulungan ang NeoPhoenix na makuha ang ikalawang panalo sa 11 pagsalang.
Nakakuha ng mataas na grado si Ravena kay NeoPhoenix Serbian mentor Branislav Vicentic na itinuring nitong pangunahing dahilan sa kanilang panalo.
“He was good. I’m happy he has debuted. He’s one of the reasons why we won,” ani Vicentic.
Hanga ang Serbian mentor sa composure na ipinamalas ni Ravena sa kabila ng matinding pressure sa huling segundo ng laro.
“He was under pressure, first professional game, he still showed everything,” ani pa ni Vicentic.
Sa katunayan, nagkaroon ng maiksing pag-uusap sina Vicentic at Ravena bago pa man magsimula ang laro.
Alam ni Vicentic ang kapasidad ni Ravena at naniniwala itong malaki ang magiging kontribusyon ng Pinoy player sa kanyang lineup.
- Latest