MANILA, Philippines — Plano ng Triathlon Association of the Philippines (TRAP) na magdaos ng isang sprint race event sa bubble sa New Clark City sa Capas, Tarlac sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Ngunit bago ito gawin ay kailangan munang magsagawa ang TRAP ng isang bubble training sa hanay ng mga national athletes na kinabibilangan ni 2019 Southeast Asian Games gold medalists John ‘Rambo’ Chicano.
“We’ll start a bubble training muna and then from that bubble training we will start parang tuning up the national athletes,” sabi ni national coach Melvin Fausto sa Philippine Sports Commission (PSC) Hour. “We still have more athletes na talagang dreaming and vying for slot in (2021) Vietnam (SEA Games).”
Noong 2019 SEA Games ay humablot ng tatlong ginto at dalawang pilak na medalya ang mga national triathletes.
Sina Chicano at Kim Mangrobang ang umangkin sa gintong medalya sa men’s at women’s individual event habang ibinulsa nina Andrew Kim Remolino at Kim Kilgroe ang pilak.
Ang gold medal sa mixed relay event ay sinikwat nina Chicano, Mangrobang, Maria Claire Adorna at Fernando Jose Casares.
Umaasa ang TRAP, pinamumunuan ni Tom Carrasco, na papayagan ng Inter-Agency task Force (IATF) ang kanilang isinusulong na bubble training sa New Clark City.
Ang nasabing venue ang ginagamit na quarantine facility ng gobyerno para sa mga nagpositibo sa COVID-19.