South Korea out sa FIBA Asia Cup Qualifiers
Safety ng players idinahilan
MANILA, Philippines — Walang South Korean team na masisilayan sa aksyon sa oras na magpatuloy ang FIBA Asia Cup Qualifiers sa Manama, Bahrain sa huling bahagi ng Nobyembre.
Ito ang lumabas na ulat sa isang pahayagan sa South Korea kung saan nagdesisyon ang basketball federation nito na huwag nang magpadala ng koponan sa second window ng qualifiers.
Ayon sa ulat, idinahilan ng Korean basketball federation ang kaligtasan ng national basketball team nito sa coronavirus disease (COVID-19) kaya’t hindi na lamang ito magtutungo sa Bahrain.
“Considering the safety of the national team, I though it was right not to go to Bahrain,” ayon sa isang ulat sa South Korea na sinulat ni Min Joon-gu.
Kasama ng South Korea sa Group A ang Pilipinas, Thailand at Indonesia.
Kasalukuyang hawak ng South Korea ang malinis na 2-0 rekord kabuntot ang Pilipinas (1-0), Thailand (0-1) at Indonesia (0-2)
Makakasagupa sana ng South Korea ang Gilas Pilipinas sa Nobyembre 27 at Indonesia sa Nobyembre 30.
Wala pang anunsiyo ang FIBA Asia kung ililipat na lamang ang schedule ng mga laro ng South Korea sa ibang petsa o mapo-forfeit na ito at awtomatikong ibibigay ang panalo sa nakatakdang kalaban nito.
Wala pa ring inilalabas na statement ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa naturang ulat.
Nakasentro ang atensiyon ng SBP sa pagbuo ng malakas na Gilas Pilipinas para sa qualifiers.
Problemado si SBP program director Tab Baldwin sa lineup dahil nasa loob ng bubble ang mga aktibong PBA players dahil sa ginaganap na PHL Cup.
Nakaabang din ang SBP sa sagot ng Inter-Agency Task Force (IATF) para makapag-ensayo ang Gilas Pilipinas sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna.
Hindi lang ang Pilipinas ang namomoblema dahil napaulat na hirap ding kumilos ang Thailand dahil sa pandemya na sinabayan pa ng ilang kilos-protesta sa kanilang bansa.
- Latest