MANILA, Philippines — Kasabay ng pagpapatuloy ng mga laro sa 2020 PBA Philippine Cup sa Nobyembre 3 ay ang paggawa ng adjustments ng 12 koponan sa loob ng ‘bubble’ sa Clark Freeport Zone sa Angeles, Pampanga.
Sinabi kahapon ni Meralco head coach Norman Black sa ‘Power and Play’ program ni dating PBA Commissioner Noli Eala na kailangan nilang mag-adjust sa pinahigpit na health at safety protocols na ilalatag ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at ng Department of Health (DOH) na siyang ipapatupad ng PBA.
“Ang situation dito sa bubble is very fluid. You really don’t exactly what’s going to happen because of the situation with the pandemic,” sabi ni Black. “So importante talaga ang adjustments. That’s we have to do in this situation just so everybody is safe.”
Pansamantalang ipinahinto ng IATF at DOH ang 2020 Philippine Cup noong Biyernes dahil sa pagiging ‘false positive’ ng isang PBA referee at player ng Blackwater noong nakaraang linggo.
Dahil sa pagiging ‘false positive’ ng player ng Blackwater ay dalawang laro ng Elite kontra sa Rain or Shine Elasto Painters at Magnolia Hotshots ang ipinagpaliban.
Hangad ni Marcial na matapos ang torneo sa Disyembre, kaya inaasahang ilang triple-headers ang iiskedyul sa pagbabalik aksyon ng PBA.