Orcollo itinanghal na The Money Game King
MANILA, Philippines — Muling lumabas ang tikas ni dating world champion Dennis Orcollo matapos pagharian ang The Money Game King one-on-one 9-ball tournament laban kay American cue master Shane Van Boening.
Isang race-to-120 ang pagtutuos nina Orcollo at Van Boening na nilaro sa loob ng tatlong araw sa Bill’s Bar and Billiards sa Oklahoma City.
Sa huli, naitala ni Orcollo ang makapigil hiningang 120-119 panalo para tanghaling The Money Game King.
Makailang-ulit na nagtabla ang laban na umabot sa 119-119 desisyon.
Hawak ni Orcollo ang karapatang mag-break sa final rack kung saan isang malakas na tirada ang pinakawalan nito.
Sinamantala na ng Pinoy champion ang pagkakataon nang walisin nito ang nalalabing bola para matamis na angkinin ang panalo.
Puntirya ni Orcollo na ipagpatuloy ang matikas na kamada nito sa US billiards circuit sa pagsabak sa mga susunod na torneo.
Nasa Amerika si Orcollo nang pumutok ang coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Nagawa pa nitong magkampeon sa 2020 Scotty Townsend Memorial 10-Ball Division noong Marso 8 bago tuluyang kanselahin ang mga laro dahil sa pandemya.
Nakatakda sanang lumahok si Orcollo sa World Pool Masters sa Gibraltar noong Marso at US Open 9-Ball Championship noong Abril subalit pare itong nakansela.
Nagdesisyong manatili na lamang si Orcollo sa Amerika habang naghihintay na muling buksan ang billiards tournaments doon.
- Latest