Armado ng solidong rebounding San Miguel
MANILA, Philippines — Alam ni coach Jeffrey Cariaso na ang rebounding ang magiging susi sa kanilang mga panalo.
Humakot ang Alaska ng 55 rebounds at nagbigay ng matinding depensa sa huling apat na posesyon ng Terrafirma sa dulo ng final canto para agawin ang 99-96 panalo sa 2020 PBA Philippine Cup kahapon sa Angeles University Foundation Gym sa Angeles, Pampanga.
Humakot si Vic Manuel ng 18 points, 7 boards at 2 assists para akayin ang Aces sa 4-3 record at inihulog ang Dyip sa pang-limang sunod na kamalasan.
“We wanna make sure that we outrebound our opponent. We understand that the rebound is a big part of winning,” sabi ni Cariaso sa Alaska na humataw ng 34 points sa third period matapos ibaon ng Terrafirma sa 12-point deficit sa second quarter.
Huling nakuha ng Dyip ang abante sa 96-95 mula sa three-point shot ni big man Eric Camson sa 2:37 minuto ng final canto kasunod ang basket ni JVee Casio at free throw ni Maverick Ahanmisi para sa 98-96 bentahe ng Aces sa huling 16.6 segundo.
Nabigo si CJ Perez na makaiskor para sa Terrafirma na nagresulta sa split ni MJ Ayaay para sa three-point lead, 99-96, ng Alaska sa huling 8.3 segundo.
Pinamunuan ni Perez ang Dyip sa kanyang 25 points habang may 21 points si Juami Tiongson.