MANILA, Philippines — Para kay Chris Newsome, dapat nang kalimutan ang kanilang nakaraang pagkatalo.
Humataw si Newsome ng pito sa kanyang 23 points sa extra period para tulungan ang Meralco na makatakas sa Magnolia, 109-104, sa 2020 PBA Philippine Cup kahapon sa Angeles University Foundation Gym sa Angeles City, Pampanga.
“It was a great team effort. We had a lot of guys hitting some big shots,” ani Newsome na nagtala rin ng 7 rebounds, 6 assists at 2 blocks. “I just try to focus and stay on the present and not thinking about what happened before.”
Ito ang ikalawang panalo ng Bolts sa apat na laro habang nalasap ng Hotshots ang ikatlong kabiguan sa apat na laban.
Nabalewala ang hinataw na game-high 32 points ni combo guard Paul Lee na tinampukan ng siyam na three-point shots para sa Magnolia na dinala ang laro sa overtime, 94-94.
Nagtuwang naman sina Newsome at Cliff Hodge para muling ilayo ang Meralco sa 104-100 abante sa huling 1:24 minuto ng extension.
Nakadikit ang Hotshots sa 104-105 mula sa basket ni Mark Barroca sa natitirang 48.3 segundo ng labanan bago tumirada si Newsome para sa 107-104 kalamangan ng Bolts sa huling 9.5 segundo ng laro.
Nagtabla sa halftime, 46-46, isang solong 9-0 atake ni Lee ang nagbigay sa Magnolia ng 55-52 abante bago nakatabla ang Meralco sa 67-67 sa gitna ng third quarter.
Ipinoste ng Hotshots ang 10-point lead, 77-67, hanggang makatabla ang Bolts sa 79-79 galing sa 12-2 pagresbak sa likod ng dalawang sunod na three-point shots nina Trevis Jackson at rookie Aaron Black sa 7:07 minuto ng laro.