Sa oras na maikasa ang laban
MANILA, Philippines — Desidido si reigning World Boxing Organization (WBO) bantamweight champion John Riel Casimero na patulugin si World Boxing Association (WBA) at International Boxing Federation (IBF) bantamweight king Naoya Inoue.
Balik-Pilipinas na si Casimero matapos ang kanyang matagumpay na title defense kay Duke Micah ng Ghana noong Setyembre sa Uncasville, Connecticut.
Matapos ang kanyang laban, wala pa ring bukambibig si Casimero kundi si Inoue na tila umiiwas sa Pinoy champion.
Sa katunayan, dumating ng Amerika si Inoue noong nakaalis na si Casimero.
Bagay na tinukoy ni Casimero na pag-iwas ng Japanese fighter sa kanya.
“Talagang hinintay niya na umalis muna ako bago siya dumating (sa Amerika),” wika ni Casimero.
Makailang-ulit nang binomba ni Casimero si Inoue sa kanyang mga panayam kung saan tinawag pa niya itong Japanese turtle.
Ayaw patulan ni Inoue ang mga patutsada ni Casimero.
Ngunit naglabas ito ng pahayag kamakailan na hindi nito hahayaan na tamaan siya ng mabagsik na kamao ng Pinoy champion.
Kaya naman sa oras na matuloy na ang laban, sisiguraduhin ni Casimero na patutulugin nito si Inoue.
Nauna nang naudlot ang laban nina Casimero at Inoue dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.