Pagulayan kampeon sa Illinois
MANILA, Philippines — Muling inilabas ni dating world champion Alex “The Lion” Pagulayan ang matatalim na pangil nito upang pagharian ang 10-Ball at One Pocket events ng 2020 Aramith/Simonis Pro Classic Championship sa West Peoria, Illinois.
Naitakas ni Pagulayan ang gitgitang 14-13 panalo laban sa kababayan nitong si Dennis Orcollo sa championship round upang makuha ang korona sa 10-Ball event.
Mainit ang simula ni Orcollo nang gamitin nito ang malalim na karanasan para itarak ang 6-2 bentahe.
Subalit hindi agad nawalan ng pag-asa si Pagulayan na unti-unti nakabalik sa porma para kunin ang walong sunud-sunod na racks at maagaw ang kalamangan sa 8-6.
Nagtabla ang iskor sa 10-all at 13-all bago tuluyang makuha ni Pagulayan ang panalo.
Nakapasok si Pagulayan sa finals matapos igupo sina Robb Saez, Josh Roberts at Tony Chohan.
Muling umariba si Pagulayan sa One Pocket event.
Naiselyo nina Pagulayan at Orcollo ang all-Filipino finale.
Nadala ni Pagulayan ang magandang momento nito nang mabilis na dispatsahin si Orcollo, 6-0 demolisyon sa championship round.
- Latest