Pacquiao posibleng bawian ng WBA belt?

Manny Pacquiao
STAR/File

MANILA, Philippines — Posibleng mahubaran ng World Boxing Association (WBA) welterweight belt si eight-division world champion Manny Pacquiao kung wala itong magiging “official fight” sa susunod na taon.

Napaulat sa World Boxing News (WBN) na maaaring bawiin kay Pacquiao ang naturang titulo sakaling walang maikasang laban sa kanya.

Sakaling matuloy, hindi magiging opisyal na laban ang napabalitang pakikipagtuos nito kay Ultimate Fighting Championship (UFC) superstar Conor McGregor.

Magsisilbing isang exhibition game lamang ang Pacquiao-McGregor fight dahil hindi kasama si McGregor sa ranking ng boxing world.

Ipinaliwanag pa ng WBN na kailangan munang humarap sa ibang boksingero si McGregor para makakuha ng rating at makuha ang pahintulot ng WBA para magsilbing title defense ni Pacquiao ang pagharap sa UFC fighter.

Hindi na bago sa lahat na maraming sporting events sa iba’t ibang panig ng mundo ang nakansela dahil sa pandemya.

Kabilang na rito ang plano sanang title defense ni Pacquiao noong Hulyo na hindi rin natuloy.

Wala pang sagot ang kampo ni Pacquiao sa naturang ulat. Wala pa ring opisyal na statement ang WBA tungkol dito.

Mabilis naman itong masosolusyunan ng Pinoy champion dahil maraming nakapilang boksingerong nais siyang laban.

Kabilang na rito sina reigning World Boxing Council (WBC) at International Boxing Federation (IBF) welterweight champion Errol Spence, Shawn Porter, Danny Garcia, Mikey Garcia at Keith Thurman.

Isang wasiwas lang ay maaari na agad nitong maikasa ang laban para sa kanyang title defense bago tuluyang harapin si McGregor.

Maaaring tawaging charity event ang boxing fight na niluluto sa pagitan ni Pacquiao at McGregor dahil nauna nang inihayag ng kampo ng fighting senator na nais nitong gamitin ang kikitain para sa pagtulong sa mga biktima ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Show comments