May plano na muling magbalik-aksyon ang Philippine Super Liga ngayong darating na Nobyembre, sa ikatlong Linggo ng buwan. Nagkaroon muli nang pagpupulong ang PSL Board members sa Department of Health at Philippine Sports Commission upang ipaalam ang plano nilang hindi mabakante ngayong taon. Kahit Beach Volleyball sana ay masimulan na nila.
Naghihintay pa rin nang go signal mula sa Inter-Agency Task Force o IATF ang PSL. Katulad ng konseptong ipinasa ng basketball sa IATF na “bubble concept”, nais ng PSL na gawin ito sa MGCQ na lugar bahagi ni PSL President Dr. Ian Laurel.
Aniya, nais ng PSL na makapag-ensayo kaming mga manlalaro ng kahit isang buwan para sa paghahanda sa torneong ito. Dagdag pa niya, bukas ang PSL Beach Volleyball Conference sa lahat ng teams na gustong sumali katulad na lang ng mga teams mula sa Philippine Volleyball League (PVL).
Mukhang mapapaaga ang Unity Cup na dapat ay next year natin unang masasaksihan. Kung mapapayagan ng IATF sa planong ito ng PSL, mauuna ang Unity Cup sa Beach Volleyball na conference.
Bilang manlalaro, nasasabik ako para rito. Kung noong una ay natatakot ako sa virus, ngayon hindi na dahil alam ko kung paano ako nagpapakundisyon at nagpapalakas ng sarili. Sa palagay ko lahat tayo ay talagang dadapuan ng anumang klase ng virus at sakit ngunit depende rin sa lakas at kalusugan ng katawan paano ito malalabanan.
Sa ngayon kung ako ang tatanungin, gusto ko itong isulong. Kung kakayanin ng basketball ang bubble training at kompetisyon siguradong kaya rin ng volleyball.