Full monthly allowance matatanggap na ng mga atleta, coaches sa Oktubre
MANILA, Philippines — Inaasahang matatanggap na ng mga national athletes at coaches sa susunod na buwan ang kani-kanilang full monthly allowances mula sa Philippine Sports Commission (PSC).
Sinabi ni PSC Acting Executive Director Atty. Guillermo Iroy na hinihintay nila ang direktiba ng Department of Budget and Management (DBM) kaugnay sa P180 milyong inilaan para sa natapyas na allowance ng mga national athletes at coaches simula noong Hulyo.
“We are awaiting for the instruction by DBM,” wika ni Iroy. “Once ma-released ito sa PSC ibibigay kaagad sa mga national athletes and coaches.”
Ang nasabing pondo ay isinama ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino, kinatawan ng 8th District ng Cavite sa Kongreso, sa Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2) na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan.
“We computed it through the PSC, and more or less, nasa P20 million per month,” ani Tolentino. “So kung P20 million ang involved diyan, that will be for six months from July to December, that’s P120 million. Ang pinaaprubahan ko is P180 million.”
Bago ito makuha ng PSC ay kailangan nilang magsumite ng mga requirements sa DBM.
- Latest