MANILA, Philippines — Hindi makatwiran ang ginawang pagpapatalsik ng Philippine Taekwondo Association (PTA) laban sa two-time Olympian na si Donald David Geisler III kaugnay ng isinagawang online trainings ng atleta sa panahon ng COVID-19 pandemic.
“We do not treat a two time Olympian that way,” pahayag ni 2nd District Valenzuela City Rep. Eric Martinez, Chairman ng House Committee on Youth and Sports.
Ginawa ni Martinez ang pahayag matapos na makarating sa kaalaman nito ang ipinataw na puno ng ngitngit na kaparusahan at lihis na sa katwiran ni PTA Committee Chairman Dr. Manolo Gabriel laban kay Geisler.
Sa 12-pahinang abiso ng PTA Sanction Committee na pinamumunuan ni Gabriel, sinabi rito na pinatatalsik na si Geisler mula sa PTA at lahat ng mga karapatan at pribilehiyo na ipinagkakaloob sa kanya bilang miyembro ay pinuputol na.
Bunsod ito ng pagsasagawa ni Geisler ng online taekwondo trainings na nilahukan naman ng mga national athletes na walang kaukulang abiso sa kanilang pederasyon sa gitna ng COVID pandemic.
Bilang buwelta ay nagsampa naman ang Olympian ng serye ng reklamo laban sa PTA sa Philippine Competition Commission kaugnay ng mga ‘discriminatory at anti-competitive practices’ sa Parañaque Prosecutors Office sa kasong libelo.