MANILA, Philippines — Tuluyan nang nilayasan ni men’s basketball head coach Frankie Lim ang University of Perpetual Help System Dalta.
Pansamantalang isinara ng Perpetual Help ang athletic department nito simula noong Mayo dahil sa epekto ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Dahil dito, apektado ang lahat ng players at coaches na nasa ilalim ng varsity teams. Hindi na nakatatanggap ng buwanang suweldo si Lim.
“Since they are not paying me, I have an option to look for another job,” wika ni Lim sa isang ulat.
Aminado naman si Lim na hirap ang Perpetual Help sa usaping pinansiyal dahil sa epekto ng pandemya.
Halos 50 porsiyento lamang ang nakapag-enroll sa Las Piñas-based school.
Kaya naman nanaisin ni Lim na magkaroon ng bagong simula sa ibang koponan.
Ilang collegiate teams ang bukas na bukas sa coaching job.
Nangunguna na ang University of Santo Tomas (UST) matapos magbitiw sa puwesto si dating head coach Aldin Ayo at ang dalawang assistant coaches nito.
Naghahanap din ng bagong head coach ang National University men’s basketball team.