Cantonjos, Ballesteros sa UST coaching staff?
MANILA, Philippines — Dalawang pangalan na ang lumulutang na posibleng humalili sa naiwang puwesto ni Aldin Ayo sa University of Santo Tomas men’s basketball team.
Kalat na sa social media ang pangalan nina Chris Cantonjos at Estong Ballesteros na napaulat na hahawak sa basketball program ng España-based squad.
Minamadali na ng UST ang agarang pagpapalit ng coaching staff upang masimulan ang pagbalangkas ng programa para sa susunod na edisyon ng UAAP.
Nawasak ang programa ng Growling Tigers matapos pumutok ang “training bubble” Sorsogon na siyang ugat ng lahat.
Isa-isang nag-alisan ang mga key players ng UST kabilang na sina starting players CJ Cansino na nagtungo sa University of the Philippines, at Rhenz Abando at Brent Paraiso na napabalitang pupunta sa Colegio de San Juan de Letran.
Ilan pang manlalaro ang lumisan sa kampo ng UST gaya nina Jun Asuncion at Ira Bataller.
Mas lalo pang gumuho ang pangarap ng Growling Tigers na maibalik sa España ang kampeonato ng UAAP nang magbitiw si Ayo kasama ang dalawang assistants nitong sina McJour Luib at Jinino Manansala.
Parehong may dugong UST sina Cantonjos at Ballesteros.
Pinangunahan ni Cantonjos ang Growling Tigers sa pagkopo ng kampeonato noong UAAP Season 56 hanggang 58.
Si Cantonjos ang itinanghal na MVP noong Season 58.
Sa kabilang banda, bahagi si Ballesteros ng Growling Tigers na nagkampeon Seasons 58 at 59.
- Latest