MANILA, Philippines — Tuluyan nang isinara ni wing spiker Amanda Villanueva ang makulay nitong karera sa volleyball.
Pormal nang nagretiro si Villanueva matapos ang ilang taong paglalaro sa professional leagues.
Nagpasalamat si Villanueva sa lahat ng tumulong sa kanyang volleyball career partikular na sa mga coaches nito na humubog sa kanyang kakayahan.
Marami itong natutunan sa mundo ng volleyball hindi lamang sa aspetong pisikal maging sa pang-araw-araw na buhay.
Ito rin ang nagbukas ng pintuan sa kanya ng maraming oportunidad.
“Every end is a new beginning. I learned the value of hard work and sacrifice. Volleyball became my ticket to endless possibilities,” ani Villanueva.
Nagsimula ang UAAP career ni Villanueva sa De La Salle University.
Subalit nagdesisyon itong lumipat sa Adamson University kung saan nabigyan nito ng korona ang Lady Falcons sa UAAP Season 76 beach volleyball tournament katuwang si Bang Pineda.
“College was one hell of a roller-coaster ride. I was so hungry for growth, excellence, validation, and opportunity. I am beyond blessed to grow around genuine and passionate people,” ani Villanueva.
Sa professional level, naglaro si Villanueva sa iba’t ibang commercial teams gaya ng BanKo Perlas Spikers sa Premier Volleyball League at Sta. Lucia Lady Realtors sa Philippine Superliga.
Bahagi si Villanueva ng PLDT Home Ultera na nagkampeon noong 2015 Shakey’s V-League Open Conference.