Para sa road warriors
MANILA, Philippines — Ipinaramdam ng NLEX na sina star guards Kiefer Ravena at Kevin Alas ang kanilang magiging solidong backcourt tandem sa Philippine Basketball Association (PBA).
Binigyan ng Road Warriors sina Ravena at Alas ng three-year contract extension para patuloy na giyahan ang tropa ni head coach Yeng Guiao.
“Rest assured we will do our best to represent the team with the best of our abilities,” pangako ng 26-anyos na si Ravena, isang two-time UAAP champion para sa Ateneo Blue Eagles at two-time UAAP Most Valuable Player.
Sa kanyang unang PBA conference matapos mapatawan ng 18-month ban dahil sa pagpositibo sa paggamit ng banned substance ay nagtala ang anak ni TNT coach Bong Ravena ng mga averages na 15.5 points, 5.6 rebounds at 8.2 assists noong 2019 PBA Governors’ Cup eliminations.
Nagmula naman sa isang ACL tear noong Pebrero ng 2019, humataw ang 28-anyos na anak ni Phoenix mentor Louie Alas ng 8.4 points, 3.8 rebounds at 3.4 assists per game.
“Signing the two, Kiefer and Kevin, is an indication that we want to form the strongest team possible that is capable of challenging the usual contenders for a championship,” wika ni Guiao.
Kumpiyansa si Guiao na magiging maganda ang samahan nina Ravena at Alas sa kampanya ng NLEX sa mga susunod na taon.