Asuncion goodbye na rin sa UST

MANILA, Philippines — Unti-unti nang nag-aalisan ang players ng University of Santo Tomas (UST) men’s basketball team kabilang na si Jun Asuncion - ang ikalimang manlalarong nagpasyang lumisan.

Kumpirmado na ang pag-alis ni Asuncion na nagdesisyong lumipat sa Mapua University sa NCAA.

Hindi nakasama si Asuncion sa “training bubble” ng Growling Tigers sa Sorsogon.

Ngunit dahil sa mga kasalukuyang nangyayari sa UST, nagpasya na lamang si Asuncion na lumipat sa kampo ng Cardinals upang doon ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral at ang nalalabing playing years, ayon sa sources.

Sasailalim sa isang taong residency si Asuncion na gagamitin nito upang mas lalo pang ma­hubog ang kanyang abilidad bago sumalang sa NCAA Season 97.

Promising ang career ni Asuncion.

Produkto ang 6-foot-2 cager ng Chiang Kai Shek.

Nakita na ang husay nito sa pagsalang sa PBA D-League kung saan nagtala ito ng 20 puntos tampok ang limang three-pointers nang talunin ng UST ang Technological Institute of the Philippines.

Si Asuncion ang pina-kahuling lumisan sa kam-po ng Growling Tigers.

Una nang umalis si CJ Cansino na napunta sa University of the Philippines kasunod si Brent Paraiso.

Wala na rin si Ira Bataller gayundin si Rhenz Abando na bali-balitang tatawid naman sa Colegio de San Juan de Letran.

May mga usap-usapang ilang players pa ang nagbabalak na umalis sa UST.

Nahaharap sa posibleng quarantine protocols violations ang UST dahil sa Sorsogon bubble.

Gumugulong na ang deliberasyon sa magi­ging parusa ng unibersidad sakaling may paglabag itong nagawa.

Ilan sa mga posibilidad na parusa ang suspensyon.

Kung papatawan ng suspensyon, wala pang li­naw kung damay ang lahat ng sports o ang mismong men’s basketball team lamang ang sususpindihin.

Inaasahang papatawan din ng parusa ang mga opisyales na nagbigay ng pahintulot sa Sorsogon bubble.

Show comments