Cansino focus na sa UP
MANILA, Philippines — Hangad ni CJ Cansino na makapag-move on na at isentro ang atensiyon nito sa bagong pamilya nito sa University of the Philippines (UP).
Nais ni Cansino na isantabi na ang isyu matapos itong sibakin sa University of Santo Tomas (UST) at nagdesis-yong lumipat na lamang sa kampo ng Fighting Maroons.
Nangako si Cansino na gagawin ang lahat upang tulungan ang Fighting Maroons sa kampanya nito sa mga susunod na edisyon ng UAAP men’s basketball tournament.
“Ipinapangako ko na kung paano ko binigay buong puso at pagkatao ko sa UST, ganun din ako makukuha n’yo kung ano ‘yung natutunan ko, hindi ko iiwan at dadalhin ko,” ani Cansino
Daraan muna sa one-year residency si Cansino bago tuluyang masuot ang jersey ng Fighting Maroons.
Kaliwa’t kanang batikos ang ibinabato kay Cansino.
Sinisisi ito ng iilan dahil ito umano ang naging dahilan upang matuklasan ang “training bubble” ng UST sa Sorsogon.
Kasalukuyan nang iniimbestigahan ang UST upang malaman kung totoo nga ang “training bubble.”
May sariling imbestigasyon din ang unibersidad para malaman ang puno’t dulo ng problema.
Tikom naman ang bibig ni Cansino sa “training bubble” issue.
Mas gugustuhin nitong manahimik na lamang at ipaubaya sa mga nag-iimbestiga ang katotohanan.
Tinatawanan na lamang ni Cansino ang mga malisyosong balitang kumakalat sa social media.
Ayaw na nitong makipagtalo pa sa mga bashers.
“Too many speculations. If you don’t believe me. That’s ok. Hindi naman tama na mandamay ng ibang school o ng ibang tao. If you want the truth you can ask my teammates privately,” ani Cansino sa kanyang social media account.
Nagpost pa ito ng “New story. I love it.”
- Latest