Bilang paghahanda sa 2021 Tokyo Olympics
MANILA, Philippines — Nabigo mang makuha ang gold medal sa sinalihang kompetisyon sa Trieste, Italy ay kumpiyansa naman si Pinoy pole vaulter Ernest John Obiena na siya ang maghahari sa IAAF Diamond League Athletics sa Monaco.
Ito ay sa kabila ng matitinding mga kalaban ni Obiena, isa sa apat na Filipino athletes na lalahok sa 2021 Olympic Games sa Tokyo, Japan.
“Time to put on the “BIG BOY PANTS ”! It’s @diamondleagueathletics time in @diamondleaguemonaco on the 14th of August. Let’s go get some diamond and get this season rollin,” ani Obiena sa kanyang Facebook account.
Bukod sa 24-anyos na si Obiena ay lulundag din sa torneo sina 2016 Rio de Janeiro Olympics gold medalist Thiago Braz ng Brazil, world champion Sam Kendricks ng United States at world record holder Armand Duplantis ng Sweden.
Kalahok din sina Ben Broeders ng Belgium, Claudio Michel Stecchi ng Italy at Thibault Collet at Valentin Lavillenie ng France.
Kamakailan ay nagbulsa ng silver medal si Obiena, ang 2019 Southeast Asian Games gold medal winner, sa 13th Triveneto International Meeting sa Trieste, Italy na pinagharian ni Braz.
Nagtala si Obiena ng 5.45 metro sa nasabing kompetisyon na malayo sa kanyang Philippine record na 5.81m nang malampasan niya ang Olympic mark na 5.80m.
Nakatakda pang sumabak si Obiena sa isang virtual pole vault competition sa Agosto 17.