Kabayanihan sa SEAG kinilala
MANILA, Philippines — Nagningning na naman ang bandila ng Pilipinas sa international scene matapos gawaran si Southeast Asian Games gold medalist Roger Casugay ng pamosong Act of Fair Play Award.
Ibinigay ito sa Pinoy surfer ng International Fair Play Committee dahil sa kanyang kabayanihan sa surfing competition ng SEA Games sa La Union.
Matatandaang sinagip ni Casugay ang kalaban nitong Indonesian na si Arip Nurhidiyat na tila nalulunod na matapos mawalan ng balanse.
Hindi alintana ni Casugay kung hindi man ito manalo sa kanyang event dahil ang tanging nasa isip nito ay maisalba ang buhay ng isang tao--kalaban man sa kumpetisyon o hindi.
Umani ng kaliwa’t kanang papuri si Casugay sa kanyang kabayanihan kabilang na si Indonesian president Joko Widodo na nagpasalamat sa Pinoy champion sa magandang asal nito.
Sa pagtatapos ng kumpetisyon, bitbit ni Casugay ang maningning na gintong medalya sa men’s longboard open event.
Ngunit higit na mas maningning ang dala-dala nitong tagumpay sa pagsagip sa Indonesian surfer karangalang hindi na mabubura sa isipan ng marami.
Ayaw isipin ni Casugay na kabayanihan ang nagawa nito. Higit na umangat sa kanyang isipan ang pagiging tao na handang tumulong sa iba.
Tunay na makislap ang Pilipinas sa 2019 SEAG dahil nasungkit nito ang pangkalahatang kampeonato bitbit ang tumataginting na 149 gintong medalya.
At isa si Casugay sa lubos na nagbigay ng liwanag hindi lamang sa kapwa atleta nito maging sa ibang tao na hindi matutumbasan ng anumang material na bagay sa mundo.
“Congratulations Roger Casugay for being awarded the Pierre de Coubertain Act of Fair Play Award by the Comité International du Fair-Play (International Fair Play Committee) with his heroic act at the 2019 Southeast Asian Games. We are so proud of you,” ayon sa statement ng Philippine Sports Commission.