MANILA, Philippines — Bukas ang pintuan ni playmaker Deanna Wong na muling maglaro para sa Ateneo de Manila University sa UAAP Season 83.
Nagdesisyon si Wong na lumiban sa UAAP Season 82 dahil nagpapagaling pa ito sa injury.
Sa katunayan, hindi rin ito nakapaglaro sa Collegiate Conference ng Premier Volleyball League (PVL) noong nakaraang taon.
Nais ni Wong na makabalik sa perfect form bago muling makalaro suot ang blue-and-white jersey ng Lady Eagles.
“Unang iniisip ko is to go back to my playing form, lalo na galing ako from an injury, so that’s what I’m thinking,” ani Wong sa Volleyball DNA online program.
Malaking tulong si Wong para mabawi ng Lady Eagles ang korona sa UAAP noong 2019.
Tinalo ng Ateneo sa best-of-three championship series ang University of Santo Tomas upang ibigay ang ikatlong kampeonato ng Katipunan-based squad sa liga.
Kaya naman malapit sa puso ni Wong ang Lady Eagles.
“Pero if time will ano na maglalaro ako puwede naman,” ani Wong.
Sa ngayon, wala pa itong pinal na desisyon subalit malaki ang porsiyento na muling masilayan ang mahusay na setter kasama sa paglipad ang Lady Eagles.
Kung makababalik ito, at magdesisyong muling maglaro sina outside hitter Jhoana Maraguinot at opposite spiker Kat Tolentino, malakas ang tsansa ng Lady Eagles na maipagtanggol ang kanilang titulo.