Para masigurong maayos ang lahat
MANILA, Philippines — Nais ni Games and Amusements Board (GAB) chairman Baham Mitra na gamitin ang dalawang linggong pagkakaantala upang plantsahin ang lahat bago magbalik-ensayo ang mga koponan gaya ng Philippine Basketball Association (PBA) teams.
Ayon kay Mitra, magandang pagkakataon ito para makita kung ano pang dapat gawin o idagdag sa mga patakaran para masiguro na ligtas ang bawat isa.
“It’s also good kasi we will be given enough time to prepare and sit down with the leagues to come out with the proper safety protocols,” ani Mitra.
Rerepasuhin ng GAB ang mga nakasaad sa Joint Administrative Order (JAO) na pirmado ng GAB, Department of Health (DOH) at Philippine Sports Commission (PSC).
Hangad ng GAB na maayos na ang lahat partikular na ang mga requirements sa JAO upang wala nang maging aberya sa oras na makapagsimula na ng ensayo.
Naantala ang pagba-balik-ensayo ng PBA, Philippine Football League (PFL) at 3x3 teams matapos ibalik sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Metro Manila kung saan hindi pinapahintulutan ang anumang team practices.
Wala namang reklamo ang pamunuan ng PBA maging ang 12 koponan nito.
Una nang inihayag ni PBA commissioner Willie Marcial na susunod ang liga sa lahat ng panuntunang inilalabas ng pamahalaan para labanan ang coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.
Magiging matiyaga na lamang sa paghihintay ang lahat ng teams hanggang makabalik ang Metro Manila sa mas maluwag na General Community Quarantine (GCQ).