Fil-Am Remy Martin nag-withdraw sa NBA Draft
MANILA, Philippines — Nagpasya si Gilas Cadet member at Filipino-American Remy Martin na hindi muna lumahok sa 2020 NBA Draft upang magbalik-aksyon para sa Arizona State sa US NCAA Division.
Inihayag mismo ng Arizona State ang pagbabalik ni Martin para tulungan ang kanilang kampo sa tangkang masungkit ang kampeonato sa naturang prestihiyosong collegiate league sa Amerika.
“I’m blessed to have the opportunity to coach Remy Martin for one more season,” pahayag ni Sun Devils head coach Bobby Hurley sa social media account ng Arizona State.
Pormal nang nag-withdraw si Martin sa draft ilang araw bago ang itinalagang deadline para sa mga aspiring players.
“Remy will be one of the best players in college basketball this year and will be on a mission to lead Arizona State basketball in its pursuit of championships,” dagdag ni Hurley.
Noong Marso, nagdeklara ang 6-foot-0 guard na si Martin na lalahok ito sa NBA Draft bago magpasyang ipagpaliban muna ito kahapon.
Umaasa si Martin na maging bahagi ng Gilas Pilipinas sa mga susunod na taon.
Pangarap nitong tulungan ang pambansang koponan sa mga international tournaments na lalahukan nito partikular na sa mga FIBA events.
Pinay ang ina ni Martin na si Mary Ann Macaspac kaya’t maaari itong maging bahagi ng national team gaya ni NBA star Jordan Clarkson ng Utah Jazz.
- Latest