De Los Santos sumungkit ng ginto sa Balkan Open

Orencio James De Los San­tos
Paul Jun E. Rosaroso

MANILA, Philippines — Sa pagkakataong ito, hindi na hinayaan pa ni Orencio James De Los San­tos na humulagpos sa kanyang kamay ang gintong medalya matapos pagharian ang men’s kata seniors event ng 2020 Balkan Open Karate  eTournament.

Pinataob ng Southeast Asian Games veteran si Silvio Cerone-Biagioni ng South Africa sa championship round upang matamis na makopo ang ginto.

Nakapasok sa finals si De Los Santos nang gapiin nito si Jose Antonio Ordonez Quiros ng Spain sa semifinals ng torneong may basbas ng World Karate Federation.

Kabilang din sa mga pinataob ni De Los Santos sina Nejc Sternisa ng Slovenia sa Round-of-16 at Abdellah Ouchene ng Morocco sa quarterfinals.

Una nang nagkasya sa pilak na medalya si De Los Santos sa E-Kata Individual Male Seniors event ng 2020 Adidas Karate World Open Series E-Tournament na ginanap noong Hulyo.

Sa kabuuan, ito na ang ikalawang ginto ni De Los Santos sa eTournament.

Nakaginto rin si De Los Santos sa E-Tournament Korokotta Cup na tinagu­yod ng Spain noong  Hun­yo 16.

May pilak din ito sa Sportdata E-Tournament World Series-Kata na isinagawa ng Switzerland noong Mayo 12 at tanso naman sa 1st Dutch Open E-Tournament ng N­etherlands noong Hunyo 22. 

Show comments