MANILA, Philippines — Puntirya ng kampo ni eight-division world champion Manny Pacquiao na maikasa ang isang laban bago matapos ang taong ito.
Nauna nang plano ni Pacquiao ang World Boxing Association (WBA) welterweight title defense nito ngayong Hulyo.
Subalit hirap ang grupo ng Pinoy champion na makapagselyo ng laban dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic na nagpabagsak sa buong mundo.
Pangunahing tinamaan ang Amerika na may pinakamaraming kaso ng coronavirus.
Ang Amerika pa naman ang itinuturing na boxing hub ng lahat ng boksingero dahil mayorya ng mga laban ay doon ginaganap.
Nagbukas na ulit ang boxing fights sa Las Vegas, Nevada subalit ginaganap ang mga laban sa isang closed-door venue.
Hindi pang closed-door venue ang isang tulad ni Pacquiao.
Karaniwan nang tumatabo sa takilya ang mga laban ng People’s Champion.
Dagsa ang mga Pinoy fans saan man ganapin ang laban nito.
Kaya naman umiisip na ng paraan ang kampo ni Pacquiao kung paano masosolusyunan ito.
Isa sa mga plano ni MP Promotions chief Sean Gibbons ang dalhin ang laban sa Middle East partikular na sa Saudi Arabia na dagsa rin ang mga Overseas Filipino Workers.
Mas malapit din ang Saudi Arabia kumpara sa Amerika.
Bago pa man pumutok ang pandemya, may mga negosasyon na para ganapin ang laban ni Pacquiao sa Saudi Arabia.
Umaasa si Gibbons na buhay pa rin ang interes ng naturang Middle East country sa posibilidad na Pacquiao fight sa kanilang bansa sa kabila ng COVID-19.
“If they would come around, that would be good,” ani Gibbons.
Iniisip din ng kampo ni Pacquiao ang schedule ng laban dahil may mga tungkulin ang fighting Senator sa Senado na ayaw nitong mapabayaan.
Karaniwan nang naka-schedule ang mga laban ni Pacquiao tuwing Enero at Hulyo — mga panahon na naka-recess ang Senado.
Wala pang kongkretong sagot ang Pacquiao camp sa laban.
Tanging listahan ng mga posible nitong makalaban ang nakahilera gaya ni World Boxing Council (WBC) at International Boxing Federation (IBF) welterweight champion Errol Spence at World Boxing Organization (WBO) welterweight champion Terence Crawford.
Umeeksena rin sina Keith Thurman, Mikey Garcia, Danny Garcia at Amir Khan.
Buhay na buhay pa rin ang pangalan nina UFC champion Conor McGregor at undefeated American fighter Floyd Mayweather Jr.