MANILA, Philippines — Desidido na si Blackwater team owner Dioceldo Sy na ibenta ang kanilang prangkisa sa PBA.
Subalit tiniyak nito na mananatili ang kanyang suporta sa mga atletang Pilipino partikular na sa women’s basketball team at sa six-time UAAP champion National University.
“Tuloy ang suporta ko sa Gilas Women’s at sa NU,” ani Sy.
Maliban sa basketball, target din ni Sy na pasukin ang boxing.
Plano nitong makipagpulong kay eight-division world champion Manny Pacquiao para sa posibilidad na suportahan ang mga baguhang boksingerong nagnanais maging world champion.
Hihintayin lamang ni Sy ang pagbabalik ni Pacquiao na kasalukuyang nasa General Santos City kasama ang kanyang asawa at mga anak.
“Hopefully, makausap ko si Manny pagbalik niya sa General Santos para suportahan ‘yung ilang boxers,” ani Sy.
Inihayag ni Sy na handa na nitong ibenta ang kanyang prangkisa sa PBA matapos magsulputan ang mga ulat na pinagpapaliwanag ito ng liga dahil sa ensayong isinagawa nito noong Sabado.
Tila nairita si Sy sa mga alegasyon na lumabag ang kanilang koponan sa protocols ng Inter-Agency Task Force (IATF) gayundin sa patakaran ng PBA dahil wala pang eksaktong petsa kung kailan maaaring simulan ang ensayo.
Nag-ugat ang lahat dahil sa mga sinabi ni Sy sa interview sa Sports Page na ipinalabas sa TV5 at On Sports kung saan naikuwento ng team owner ang ginawang ensayo ng Blackwater.
Nilinaw ni Sy na dalawang manlalaro lang ang nag-ensayo.
“It was just a shootaround with two players and a ballboy,” ani Sy.
Dahil dito, nagpasya si Sy na ibenta na lamang ang prangkisa sa halagang P150 milyon.
Handa itong agad na pirmahan ang kontrata sakaling may gustong bumili sa prangkisa.
Inihayag ni Sy na tila nawala na ang kanyang interes sa liga.