MANILA, Philippines — Wala nang masisilayang Edgar Barroga sa coaching staff ng Cignal HD Spikers sa oras na magbalik-aksyon na ang Philippine Superliga.
Nagdesisyon ang pamunuan ng HD Spikers na huwag nang i-renew ang kontrata nito matapos ang dalawang taong paghawak sa koponan.
Nagpasalamat naman ang buong Cignal sa matagal na panahong ding pagiging kapamilya ni Barroga.
“Team Awesome is forever grateful for your mentorship and everything you have done for our team. Wishing you the best of luck, Coach Edgar,” ayon sa statement ng Cignal.
Wala pang opisyal na anunsiyo ang HD Spikers kung sino ang papalit sa puwesto ni Barroga.
Ngunit maugong ang pangalan ni Shaq delos Santos na kasalukuyang miyembro ng coaching staff ng Cignal.
Noong Enero, kinuha ng HD Spikers si Delos Santos na dating head coach ng multi-titled Petron Blaze Spikers.
Sa ilalim ni Barroga, pinakamataas na puwestong naibigay nito sa HD Spikers ang runner-up finish nito sa 2019 PSL All-Filipino Conference.
Nakapasok sa finals ang Cignal matapos gulantangin ang Petron sa semifinals.
Ngunit bigong masikwat ng HD Spikers ang korona makaraang yumuko ito sa F2 Logistics sa finals.
Maliban sa silver finish, nakakuha rin ang Cignal ng tanso sa 2018 Invitational Cup at 2019 Invitational Cup.
Sa kabuuan, may isang titulo na ang Cignal sa PSL nang tanghalin itong co-champion sa Invitational Cup noong 2017 edisyon.