MANILA, Philippines — Tinanggihan ni Raymond Almazan ng Meralco Bolts ang tsansang makapaglaro sa B.League na isang professional basketball league sa Japan.
Ikinuwento ni Almazan na nagpadala ng mensahe sa kanya si American-Japanese guard Samuel Sawaji ng Tokyo Cinq Rêves para alukin ang Pinoy cager na maglaro sa Japan.
“Hello, my name is Sam Sawaji, and I am also playing professional basketball in Japan. I also work on the social media platform for one of the most successful agencies here,” ani Sawaji sa kanyang mensahe kay Almazan.
Nais ni Sawaji na maging tulay upang makapaglaro si Almazan sa Japan.
“They have told me you are a player they would have interest in helping continue succeed as a pro. I can send you more information if you are interested,” ani Sawaji na walong taon nang professional basketball player sa Japan.
Maayos namang tinanggihan ni Almazan ang offer.
May tatlong taong kontrata pa ito sa Meralco kaya’t imposibleng makapaglaro ang 6-foot-8 center sa Japan.
Malaki ang naging papel ni Almazan upang makapasok ang Bolts sa Finals ng PBA Governors’ Cup noong Enero.
Si Almazan ang ikatlong Pilipinong basketball player ang nakatanggap ng offer para maglaro sa Japan.
Una nang kinuha si three-time UAAP Finals MVP Thirdy Ravena ng San-en Neophoenix kung saan pormal na itong pinakilala ng pamunuan ng Japanese club via video conferencing.
Isiniwalat din kamakalawa ni Calvin Abueva ng Phoenix na nakatanggap din ito ng offer sa pamamagitan ng isang Pinoy agent.
Ngunit hindi rin ito kinagat ni Abueva dahil kasalukuyan itong nakatali sa Phoenix.