Choco Mucho tinapik sina Wong, Viray

Caitlyn Viray, Deanna Wong

MANILA, Philippines — Mas lalong nagpalakas ang Choco Mucho matapos kunin ang serbisyo ng dalawang mahusay na manlalaro para sa Premier Volleyball League (PVL) Open Confe­rence.

Pasok na sa Flying Titans sina Deanna Wong ng Ateneo de Manila University at Caitlyn Viray ng University of Santo Tomas para maging mas matinik ang kanilang tropa.

“Everything is SET. Bet you all saw this coming! Let’s all welcome Deanna Wong as she officially joins the Choco Mucho Flying Titans family,” ayon sa statement ng Choco Mucho sa kanilang social media account.

Una nang kinuha ng Flying Titans si seasoned libero Denden Lazaro upang palakasin ang kanilang floor defense.

Magiging magkatuwang sina Wong at Lazaro para makabuo ng solidong plays sa kanilang mga spikers.

Malalim din ang karanasan ni Viray na maaasahan naman sa opensa sa opposite position.

Bahagi si Viray ng Tigresses na nagtapos bilang runner-up sa UAAP Season 81 noong nakaraang taon.

Unang nasilayan sa aksyon ang Choco Mucho noong nakaraang taon sa PVL Open Conference.

Nagtapos lamang ito sa ikapitong puwesto tangan ang 6-10 rekord.

Makakasama nina Wong, Lazaro at Viray sina A­teneo standouts Maddie Madayag, Kat Tolentino at Bea De Leon. Hahawakan ang Flying Titans ni Lady Eagles mentor Oliver Almadro.

Wala pang desisyon ang PVL kung kailan idaraos ang Open Conference.

Naudlot ang PVL Reinforced Conference noong Mayo dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Show comments