MANILA, Philippines — Kasado na ang world title fight nina Pinoy boxing sensation Giemel Magramo at Japanese fighter Junto Nakatani para sa bakanteng World Boxing Organization (WBO) flyweight belt sa Agosto 21 sa Korakuen Boxing Hall sa Tokyo, Japan.
Gaya ng Las Vegas, magsisimula na ring magbalik sigla ang boksing sa Japan simula sa Hulyo 22 kaya’t agad na ikinasa ang bakbakan nina Magramo at Nakatani.
Una nang nakatakda ang laban nina Magramo at Nakatani noong Abril subalit nakansela ito dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Ngayong may eksaktong petsa na ang laban, level up na agad ang paghahanda ni Magramo upang masiguro na handang-handa ito para sa laban.
Sa katunayan, hindi naman tumigil sa ensayo si Magramo sa kabila ng ipinatutupad na community quarantine sa iba’t ibang panig ng bansa dahil sa pandemya.
Araw-araw itong nagsasanay sa Elorde Sports Center sa Parañaque para mapanatili ang magandang kundisyon ng kanyang katawan.
Alam ni Magramo na matinding laban ang kanyang haharapin kaya’t pinag-aralan na nito ang kanyang magiging armas upang patumbahin ang Japanese pug.
Mas mataas ng tatlong pulgada si Nakatani kumpara sa 5-foot-4 na si Magramo.
Subalit hindi nasisindak si Magramo dahil may nakahanda na itong game plan.
Kasalukuyang hawak ni Magramo ang 24-1 rekord tampok ang 20 knockouts.
Nakasakay ito sa seven-fight winning streak.
Huling lumasap ng kabiguan si Magramo noong 2016 kontra kay Pakistani Muhammed Wasseem via unanimous decision sa labang ginanap sa South Korea.
Mula rito, sunud-sunod ang panalo ni Magramo kabilang ang knockout win kay Ge Wenfeng ng China noong nakaraang taon sa Suzhou Olympic Sport Center sa Suzhou, China.
Napanalunan ni Magramo sa naturang laban ang WBO international flyweight title at nadepensahan ang WBO oriental flyweight crown.
Sa kabilang banda, may bagsik ding taglay si Nakatani. Hawak nito ang impresibong 20-0 rekord kabilang ang 15 knockouts.
Galing si Nakatani sa sixth-round knockout win kay dating International Boxing Federation champion Milan Melindo noong Oktubre.