MANILA, Philippines — Isang buwan lamang ang kailangan ng mga koponan para mapaghandaan ang inaabangang pagbabalik ng 2020 PBA Philippine Cup.
Ayon kay Phoenix head coach Louie Alas, regular niyang mino-monitor ang kanyang mga Fuel Masters sa pamamagitan ng Zoom app.
“Nagwo-workout sila three times a week,” wika ni Alas sa kanyang mga Phoenix players na hindi pa nakakalaro sa sinuspinding season-opening conference. “One month training ng mga players sa tingin ko sapat na iyon.”
Tatlong araw matapos buksan ang 2020 PBA Philippine Cup noong Marso 8 kung saan tinalo ng five-time champions na San Miguel ang Magnolia ay itinigil ng liga ang Season 45 dahil sa coronavirus disease (COVID-19) outbreak.
Plano ng PBA Board na muling buksan ang torneo sa Oktubre.
“September siguro will be ideal,” wika naman ni Alas sa pagbabalik-aksyon ng liga na hindi na gagawin ang taunang Commisisoner’s Cup at Governor’s Cup dahil sa COVID-19 pandemic.
Nagsumite na ang PBA ng kanilang proposed guidelines na gagamitin ng 12 teams sa pagbabalik-ensayo sakaling payagan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang contact sports kagaya ng 5-on-5 basketball..
Samantala, nakatakdang kausapin bukas ni PBA Commissioner Willie Marcial ang kinatawan ng mga players para sa ipinapanukalang ‘bubble environment’.
Sa ilalim ng ‘bubble environment’ ay ilalagay ang 12 PBA teams sa dalawa o apat na hotel at maglalaro sa isa o dalawang closed-door venue.