Mapanganib!
Arum ayaw sa Pacquiao-Golovkin fight
MANILA, Philippines — Delikado para kay reigning World Boxing Association (WBA) welterweight champion Manny Pacquiao kung aangat pa ito ng weight class para masungkit ang impresibong ninth-division title.
Ito ang pananaw ni Top Rank Promotions chief Bob Arum matapos maglabasan ang ulat na nais ni Hall of Famer Freddie Roach na maging nine-division world champion si Pacquiao.
Ayon kay Arum, magiging mapanganib na ito para sa Pinoy world champion dahil hindi na bata si Pacquiao.
Sa isang panayam, inihayag ni Roach na gusto nitong makasagupa ni Pacquiao si middleweight knockout artist Gennady Golovkin para maisakatuparan ang target nitong plano.
Kasalukuyang hawak ni Golovkin ang International Boxing Organization at International Boxing Federation middleweight titles.
Agad naman itong kinontra ni Arum.
“It’s a stupid fight. I know Golovkin appears to be over the hill, but it’s a fight that could be very dangerous for Pacquiao,” ani Arum sa panayam ng Sportsmail.
Matagal na nagkasama sina Arum at Pacquiao.
Alam nito ang weight class kung saan pinakamalakas si Pacquiao.
“He isn’t even a welterweight really let alone a middleweight. His best fighting weight is 140, at 147 I think he’s pretty much outsized by all the good welterweights,” ani Arum.
Bilib si Arum sa bangis ni Pacquiao partikular na sa huling dalawang laban nito kina Adrien Broner at Keith Thurman.
Subalit masusubukan ang tikas ng Pinoy champion sa oras na makalaban nito ang malalakas sa welterweight class gaya nina World Boxing Organization (WBO) king Terrence Crawford at World Boxing Council (WBC) at International Boxing Federation (IBF) titlist Errol Spence Jr.
At para kay Arum, isang kahibangan kung lalaban si Pacquiao sa mas mataas na timbang.
Mas gugustuhin ni Arum na maikasa ang Pac-quiao-Crawford sa oras na magbalik na sa normal ang boxing community.
- Latest