MANILA, Philippines — Inaasahang muling babalik ang Philippine horse racing sa huling linggo ng Hulyo na walang mga nagsisigawang manonood sa mga racing clubs.
Ngunit mangyayari lamang ito kapag inilagay na sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang National Capital Region.
Ito ang tugon ni Kenneth Ronquillo, ang pinuno ng Secretariat of the Inter-Agency Task Force for the Management of Infectious Diseases (IATF), sa sulat ni Philippine Racing Commission chairman Andrew A. Sanchez.
Hiniling ng Philracom sa IATF na payagan ang pagbabalik ng horse racing na isa sa mga sport sa bansa na ipinagbawal simula noong Marso para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 pandemic.
Ang San Lazaro Leisure Park ng Manila Jockey Club ang magiging venue ng mga karera sa Agosto 8 at 9 habang sa Saddle and Clubs Leisure Park ng Philippine Racing Club sa Naic, Cavite gagawin ang weekly races sa Hulyo 24 at 25 at sa Agosto 15 at 16.
Sa Metro Manila Turf Club Inc. sa Malvar, Batangas naman ililipat ang karera sa Agosto 1, 2, 22 at 23.