Arum soplak kay Pacquiao

Manny Pacquiao
STAR/ File

Walang ganung usapan

MANILA, Philippines — Itinanggi ni eight-division world champion Manny Pacquiao ang pahayag ni Top Rank Promotions chief Bob Arum na tatakbo itong presidente sa 2022.

Nagulantang ang sambayanan matapos kaliwa’t kanan magsulputan kahapon ang balitang gusto ni Pacquiao na sumabak sa presidential election base sa statement ni Arum.

Agad namang itong sinoplak ni Pacquiao kung saan wala umano itong nabanggit na tungkol sa pulitika nang makausap nito si Arum sa pamamagitan ng zoom video conferencing application.

Bukod-tanging boksing lamang ang napag-usapan ng dalawa gaya ng posibleng schedule ng pagba­balik-aksiyon ni Pacquiao sa boksing.

“As far as I know, we never talked about politics. The last time we talked on zoom, Bob discussed possible fight schedules but never about politics. Our discussion was all about boxing,” ani Pacquiao.

Nilinaw ni Pacquiao na nakasentro ang atensiyon nito sa pagtulong sa pagsugpo sa coronavirus di­sease (COVID-19) partikular na ang mga apektadong mamamayan.

Wala sa isip ng reigning World Boxing Association (WBA) welterweight champion ang pamumulitika sa oras ng krisis.

“Hindi panahon ng pulitika ngayon dahil sa rami ng problema ng bansa,  ang kailangan natin ay pagkakaisa at pagtutulungan para maibsan ang paghihirap ng ating mga kababayan,” ani Pacquiao.

Sa halip, nanawagan ito sa lahat na magkaisa para tuluyan nang matapos ang problemang kinakaharap ng buong mundo dulot ng pandemya.

“Kailangan natin pagka­kaisa. Let’s unite para matulungan ang mga kababayan natin. Ang daming walang trabaho ngayon lalo na ang ating mga OFWs. Kailangan po ng ating bansa ngayon ay hindi pulitika,” dagdag pa ni Pacquiao.

Makailang beses nang nag-donate si Pacquiao para sa COVID-19 fight.

Nakaabang din si Pacquiao sa pagbabalik-aksyon ng boxing.

Isinusulong ni Arum ang posibleng pagsabak ni Pacquiao kontra kay World Boxing Organization (WBO) welterweight champion Te­rence Crawford sa Bahrain.

Sa kasalukuyan, tuloy ang pagpapakondisyon ni Pacquiao upang manatiling nasa magandang estado ang kanyang pangangatawan sa oras na maikasa na ang kanyang susunod na laban.

Pakay sana ni Pacquiao na depensahan ang kanyang titulo sa Hulyo subalit naantala ito dahil sa COVID-19.

Wala pang eksaktong petsa kung kailan mu­ling sasabak ang Pinoy champion.

Hindi pa rin nakakapili ang kampo ni Pacquiao kung sino ang sunod na makakalaban nito.

Maliban kay Crawford, kasama rin sa pinagpipilian sina International Boxing Federation (IBF) welterweight king Errol Spence Jr., Danny Garcia, Mikey Garcia, Keith Thurman, Amir Khan, mixed martial arts champion Conor McGregor at undefeated American fighter Floyd Mayweather Jr.

Show comments