MANILA, Philippines — Madaragdagan ang bangis ng University of Santo Tomas dahil dalawang mahusay na manlalaro ang nakuha nito para higit na palakasin ang kanilang tropa sa UAAP basketball wars.
Pormal nang masisilayan sina Technological Institute of the Philippines (TIP) aces Bryan Santos at Ivan Santos suot ang yellow and black jersey.
Impresibo ang ipinamalas ng dalawang manlalaro sa nakalipas na 2019 PBA D-League Foundation Cup kung saan sumabak ang TIP Engineers squad.
Nagtala si Bryan ng averages na 16.3 points, 6.9 rebounds at 2.1 assists habang may 8.9 points at 4.7 rebounds kada laro naman si Ivan.
Malaki ang maitutulong nina Bryan at Ivan partikular na sa center position.
May taas na 6-foot-6 si Ivan habang 6-foot-5 naman si Bryan.
Maaari nang makapaglaro sina Bryan at Ivan sa UAAP Season 83 dahil base sa patakaan ng liga, hindi na kailangan pa ng residency ang mga student-athletes na galing sa disbanded teams.
Ngunit nakasalalay sa kamay ni Growling Tigers head coach Aldin Ayo kung kailan nito nais gamitin sina Bryan at Ivan sa UAAP.
Nagpasya ang pamunuan ng TIP na i-disband ang lahat ng varsity teams nito bilang bahagi ng “cost-cutting” ng paaralan na epekto ng coronavirus disease (COVID-19).
Hindi lamang ang basketball team ang nadisband dahil wala na rin ang volleyball team ng TIP.
Naglalaro ang TIP sa UCBL at PBA D-League habang makailang beses nang naglaro ang Lady Engineers sa Premier Volleyball League (PVL) na dating kilala sa tawag na Shakey’s V-League.
Hindi lamang TIP ang naapektuhan ng krisis dahil nauna nang nagpahayag ang Colegio de San Juan de Letran ng pagtatapyas sa lineup ng varsity teams nito kamakailan.