Pamilya, pinoy fans motibasyon ni Sotto
MANILA, Philippines — Mataas ang expectations ng buong sambayanan kay Kai Sotto na tutuntong sa global stage sa pagpasok nito sa NBA G-League.
Kaya naman doble kayod ang gagawin ni Sotto upang maabot ang expectations hindi lamang ng mga Pilipinong nakaabang sa kanyang bawat hakbang maging ang mga NBA coaches, trainers at experts na nakabantay sa kanyang mga galaw.
“It’s really a big thing for me and my family. I’ll always use this as a motivation and inspiration that I have to work really hard to make them proud,” ani Sotto.
Pangunahing gagawing inspirasyon ng 7-foot-2 miyembro ng Batang Gilas ang kanyang pamilya na numero unong tagasuporta nito sa kanyang buong buhay.
“I just look at my family and my family back home, just look at them and tell myself that I have to make them proud and exceed their expectations,” ani Sotto.
Alam ni Sotto na marami itong matututunan sa NBA G-League na magagamit nito para mas lalong mahasa tungo sa kanyang inaasam na NBA dream.
“I think mas competitive and mas magiging maganda ‘yung competition kapag kalaban mo ‘yung mga plano rin mag-NBA. I’ll be coached by NBA-caliber coaches,” ani Sotto.
Para kay Sotto, tama ang naging desisyon nito na pumasok sa G-League dahil ito ang pinakamalapit na daan papuntang NBA.
Kaya naman sabik na itong ipamalas ang kanyang husay at ang galing ng isang Pinoy player sa harap ng mga NBA experts.
“Mas magandang path for me talaga ‘yung G-League. I just can’t wait to go there and train and compete. Yung dream and goal ko is maging NBA player. Kung ‘yun ‘yung goal ko, mas maganda kung nandun na tayo sa mas malapit,” ani Sotto.
Pinili ni Sotto ang NBA G-League sa halip na sumabak sa college basketball.
Sa katunayan, ilang college teams sa Amerika ang lumiligaw kay Sotto maging ang ilang koponan sa Europa.
Kabilang na rito ang University of Kentucky, Auburn, DePaul, University of South Carolina, Boston College at Georgia Tech.
Nagparamdam din ang mga European teams na Real Madrid, Barcelona, Saski Baskonia at Alba Berlin.
Malalakas ang makakaharap ni Sotto sa NBA G- League at itinuturing itong challenge at learning process ng dating UAAP Juniors MVP.
“Yung mag-compete with great players everyday, you’ll also improve,” aniya.
- Latest