MANILA, Philippines — Hinamon ni dating World Boxing Association (WBA) welterweight champion Keith Thurman si eight-division world champion Manny Pacquiao sa isang rematch.
Matapos ang halos isang taon na pahinga, handa na si Thurman na muling sagupain si Pacquiao upang mabawi ang kanyang korona.
Magugunitang tinalo ni Pacquiao si Thurman noong Hulyo 2019 para maagaw ang kasalukuyang hawak nitong titulo - ang WBA welterweight belt.
Kaya naman gigil si Thurman na makaresbak sa Pinoy champion sa oras na muling magkrus ang kanilang landas.
“I am ready. Every day no one is allowed to do anything. It makes me feel like I’m one day closer to my rematch with Manny Pacquiao,” wika ni Thurman.
Nakapila ang mga boksingerong pinagpipilian ni Pacquiao para sa kanyang susunod na laban.
Subalit naniniwala si Thurman na siya ang karapat-dapat na makaharap ng Pinoy champion.
“I just don’t see somebody else really giving him a great fight. I also believe I deserve the rematch from being the undefeated welterweight champion at the time,” dagdag ni Thurman.
Inihayag ni Thurman na mas magiging matalino na ito sa oras na muling makaharap si Pacquiao.
Isang solidong game plan aniya ang kailangan para mapatumba ang isang world-class boxer gaya ni Pacquiao.
“The other thing, is to just have a definitive gameplan. Now that I’ve shared the ring with him it would be even easier to manifest a definitive game plan,” ani Thurman.
Ipinagmalaki ni Thurman na mas kabisado na niya ang galaw ni Pacquiao dahil alam na nito ang estilo ng tinaguriang Pambansang Kamao base sa kanyang natutunan sa kanilang unang paghaharap.
Iba na ang estratehiya ni Thurman.
Ayaw na nitong maulit ang nangyari sa kanyang mga nakalipas na laban.
“I started to create a game plan but at the end of the fight I pretty much didn’t execute it. I think the reason why I didn’t execute it is because it wasn’t fully premeditated,” aniya.