Buhos ang suporta kay Sotto
MANILA, Philippines — Bumuhos ang suporta kay UAAP Juniors MVP Kai Sotto na nakatakdang dalhin ang kanyang talento sa NBA G-League.
Kaliwa’t kanang papuri ang natanggap ng 7-foot-2 dating Ateneo de Manila University High School standout mula sa mga kababayan nito maging sa ilang kilalang sports personalities sa bansa.
Nauna nang napaulat na nagdesisyon si Sotto na ipagpaliban ang kanyang college upang sumama sa isang Los Angeles-based “select team” sa NBA G-League.
Makakasama ni Sotto sina Filipino-American Jalen Green, Daishen Nix at Isaiah Todd.
Sa oras na pumirma ng kontrata, inaasahang tatanggap din ng malaking halaga si Sotto gaya ni Green na napabalitang binigyan ng $500,000 kontrata.
Kaya naman lubos ang kasiyahan ng buong Pinoy basketball community.
Isa si Mighty Sports-Pilipinas head coach at sports analyst Charles Tiu sa mga unang nagpahayag ng kasabikan sa tagumpay ni Sotto.
“Yeah Kai Sotto! GLeague! Awesome!,” ani Tiu sa kanyang Twitter post.
Una nang inihayag ni Utah Jazz star at Filipino-American Jordan Clarkson na suportado nito ang bawat hakbang ni Sotto para makapasok sa NBA.
“It would be really nice to see Kai make it to the NBA. I have my eyes on him and I’ll be supporting him,” ani Clarkson sa mga naunang ulat.
Nagbigay din ito ng payo kay Sotto na huwag kalilimutan ang kanyang pinagmulan at maging mapagkumbaba.
“Be humble no matter what,” ani Clarkson.
Isa ang NBA G-League sa posibleng maging tulay ni Sotto para maabot ang kanyang pangarap.
Nais ni Sotto na maging kauna-unahang purong Pinoy na makapasok sa NBA.
“There hasn’t been any full-blooded Filipino that has been to the NBA and I just want to be the first one and I just want to show everyone that we can also make it,” wika ni Sotto sa kanyang mga naunang panayam.
Itinanghal na Finals MVP sa UAAP noong 2018 habang nasungkit nito ang Season MVP noong 2019.
Nagpasiklab din si Sotto sa FIBA U-19 World Cup noong nakaraang taon kung saan nagtala ito ng averages na 11.7 points at 7.9 rebounds.
Kasalukuyang nagsasanay si Sotto sa Atlanta-based The Skill Factory kung saan ilang NCAA Division 1 schools at European teams na ang nagpahayag ng interes sa Pinoy cager.
- Latest