MANILA, Philippines — Binasag ni undefeated American fighter Floyd Mayweather Jr. ang posibilidad na makaharap nito sa rematch si eight-division world champion Manny Pacquiao gayundin si UFC superstar Conor McGregor.
Iginiit ni Mayweather na wala sa plano nito ang magbalik-aksiyon sa taong ito matapos maglabasan ang kaliwa’t kanang ulat na may gumugulong na negosasyon para sa kanyang comeback fight.
Ngunit nilinaw ni Mayweather na tsismis lamang ito at walang katotohanan.
“These are just rumours. I’m retired,” ani Mayweather sa panayam ng Fight Hype TV.
Makailang ulit na nakitang nagbalik sa ensayo si Mayweather sa kanyang gym sa Las Vegas, Nevada kamakailan.
Subalit ipinaliwanag nitong nais lamang ng da-ting world champion na mapanatili ang kanyang magandang kundisyon.
“I’m finished with boxing. I stay in shape,” dagdag ni Mayweather.
Gaya ng dati, ipinagmalaki ni Mayweather na marami itong pera. Mabubuhay ito ng marangya kahit hindi ito magtrabaho sa kanyang buong buhay.
“I am not retired from business. Would I fight with McGregor? People make $370million. I make that in one night. I made over $320m twice. It only took me 36 minutes or 28 minutes, something like that,” ani Mayweather.
Mismong si Pacquiao na ang nagkumpirma na nakikipag-usap ang kanyang kampo sa grupo ni Mayweather para sa isang rematch na inaasahang tatabo sa takilya.
Subalit tila naudlot ito matapos dumaan sa matinding pagsubok si Mayweather.
Namatay ang kanyang dating karelasyon na si Josie Harris - ina ng kanyang tatlong anak - noong Marso habang nasundan ito ng pagkamatay naman ng uncle na si Roger na nagsilbi ring chief trainer nito. Kaya naman isa ito sa mga posibleng dahilan ng pagkakaudlot ng negosasyon.
Sa ngayon, burado sa isip ng 43-anyos na si Mayweather ang pagbabalik sa ring.