MARIKINA, Philippines — Tuluyan nang kinansela ng Department of Education (DepEd) ang 2020 edisyon ng Palarong Pambansa na idaraos sana sa buwang ito sa Marikina City.
Ito ay upang maituon ng DepEd ang atensiyon nito sa pagbubukas ng klase sa Agosto at para na rin sumunod sa ipinatutupad ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Ipinagbawal ang mass gathering gaya ng mga sporting events tulad ng Palarong Pambansa upang maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).
“Yung mga big events na crowd drawers ay pansamantalang kinakansela natin,” ani DepEd Secretary Leonor Briones.
Naglabas na ng memorando ang DepEd para ipaalam sa Marikina City ang kanselasyon ng Palarong Pambansa na nakatakda sana ng Mayo 1 hanggang 9.
“This is to respectfully inform your honor that the conduct of the 2020 Palarong Pambansa slated from May 1 to 9, 2020 in your city, the City of Marikina has been cancelled by the members of the Palarong Pambansa Board,” ayon sa sulat ni DepEd undersecretary Revsee Escobedo sa sulat nito kay Marikina City Mayor Marcelino Teodoro.
Tiniyak naman ni Es-cobedo na mananatili sa Marikina City ang hosting right ng Palarong Pambansa sa susunod na taon habang mauurong sa 2022 ang pagtataguyod ng Negros Occidental at sa 2023 naman ang hosting ng Province of Sorsogon.
Ito ang ikapitong pagkakataon na nakansela ang naturang annual sporting event.