Ginebra players tinitiyak ni Cone na laging nasa kondisyon
MANILA, Philippines — Habang wala pang kasiguraduhan kung kailan magbabalik ang 45th PBA season ay tinitiyak ni Barangay Ginebra head coach Tim Cone na mananatili sa kanilang kondisyon ang mga Gin Kings.
Nagpadala ang mga trainers ng Ginebra ng fitness programs na susundan ng mga players sa kani-kanilang mga tahanan sa gitna ng paglaban sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
“We’re trying to do things that they can do at home, under the guidelines of our trainors, sending programs to the players so that they can find ways to workout,” ani Cone.
Inilagay ng Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Disease ang Metro Manila sa extended Enhanced Community Quarantine habang nasa General Community Quarantine naman ang ilang probinsya.
Patuloy na ipinagbabawal ang mga sports-related mass gathering kagaya ng mga games, tournaments, trainings at championships.
Matapos buksan ang 2020 PBA Philippine Cup noong Marso 8 ay sinuspindi ng liga ang mga laro matapos ang tatlong araw dahil sa COVID-19 outbreak.
“Our main thrust is to keep everybody healthy and to make sure they continue to follow guidelines, do the social distancing which is part of their responsibility,” sabi ni Cone, isang two-time PBA Grand Slam champion mentor.
Samantala, nagbigay si San Miguel Corp. (SMC) chief Ramon S. Ang ng limang sets ng Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) COVID-19 testing machines at High-Throughput Automated RNA Extraction systems sa Department of Health.
Dahil dito ay karagdagang 11,000 tests per day ang magagawa sa pagsagupa ng bansa sa COVID-19.
Bukod sa mga COVID-19 machines at testing kits ay nakipagtambal ang SMC, nagmamay-ari sa San Miguel, Ginebra at Magnolia franchises sa PBA, sa Department of Agriculture para sa ‘Kadiwa ni Ani at Kita’ rolling market program.
- Latest