Layug tinapik ng Sta. Lucia
MANILA, Philippines — Kinuha ng Sta. Lucia Lady Realtors ang serbisyo ni University of the Philippines ace middle blocker Maristela Layug para sa Philippine Superliga All-Filipino Conference.
Pormal nang inanunsiyo ng pamunuan ng Lady Realtors ang pagkuha nito kay Layug na inaasahang magiging malaking tulong sa ratsada ng kanilang tropa sa susunod na kumperensiya.
“We officially welcome our newest Lady Realtor Marist Layug to the Sta. Lucia family. We are happy to have you on board,” ayon sa statement ng Sta. Lucia.
Makakatuwang ni Layug sa middle position sina Mika Reyes, Amy Ahomiro, Glaudine Troncoso, Andrea Marzan at katropa nito sa UP Fighting Maroons na si Ai Gannaban.
Kasama rin sa lineup ng Lady Realtors sina MJ Phillips, Pamela Lastimosa, Djanel Cheng, Rubie de Leon, Shiela Marie Pineda, Honey Royse Tubino at Marge Tejada.
Malalim ang karanasan ni Layug.
Bahagi si Layug ng UP na nagkampeon sa Premier Volleyball League (PVL) Collegiate Conference noong 2018 at PSL Collegiate Grand Slam noon ding 2018.
Noong nakaraang taon, miyembro si Layug ng Motolite Power Builders na nagtapos sa ikaapat na puwesto sa PVL Open Conference.
Kasama si Layug sa UP Fighting Maroons sa UAAP Season 82 na naudlot dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Kanselado rin ang PSL Grand Prix.
Wala pang anunsiyo ang pamunuan ng PSL kung kailan idaraos ang All-Filipino Conference.
- Latest