MANILA, Philippines — Nagsumite na ng aplikasyon ang Qatar at Saudi Arabia para sa hosting rights sa 2030 edisyon ng Asian Games.
Ito ang kinumpirma ng Olympic Council of Asia (OCA) matapos matanggap ang application bid ng dalawang bansa.
Nais ng Qatar na sa Doha ganapin ang quadrennial meet habang Riyadh naman ang host city kung sakaling Saudi Arabia ang mapiling host country ng Asian Games.
“Doha, capital of Qatar, and Riyadh, capital of Saudi Arabia, submitted official bids to host the 21st Asian Games,” ayon sa statement na inilabas ng OCA.
Kasama sa bid ang sulat na naglalaman ng buong suporta ng kani-kanilang gobyerno para maitaguyod ng maayos ang Asian Games.
Nauna nang nagpahayag ang Pilipinas na nais din nitong maging host ng 2030 Asian Games matapos ang matagumpay na pagtataguyod ng 2019 Southeast Asian Games.
Nagpatayo ang Pilipinas ng bagong sports complex sa New Clark City sa Capas, Tarlac habang ang mga bagong renovate na Rizal Memorial Sports Complex sa Manila at Philsports Complex sa Pasig ang mga posibleng competition venues.
Bukod pa rito ang Philippine Arena sa Bulacan, Mall of Asia Arena sa Pasay City at Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Ngunit posibleng kalimutan muna ng Pilipinas ang planong ito dahil kasalukuyang nararanasan ng bansa ang krisis na dulot ng coronavirus disease (COVID-19).
Parehong mayamang bansa ang Qatar at Saudi Arabia na kayang gastusan ang Asian Games.
Nakapag-host na ang Doha ng Asian Games noong 2006.
Kung papalarin, ito ang unang pagkakataon na magho-host ang Saudi Arabia ng Asian Games.
Inaasahang papangalanan ng OCA ang host city sa OCA General Assembly meeting sa China sa Nobyembre 29.